CAGWAIT, Surigao del Sur — Walang isinagawang pilot testing bago ang pagpapatupad ng three-term school calendar sa School Year 2026–2027, ayon kay Master Teacher I Knowell V. Bernales sa Municipal Academic Skills Development (MASD) ngayong Agosto 15, 2026.
Ayon kay Bernales, hindi muna isinubok ang sistema sa piling paaralan bago ito ipinatupad sa mas malawak na saklaw.
Dahil walang trial implementation, hindi muna nasukat sa aktuwal na sitwasyon ang mga posibleng hamon sa pagpapatupad nito bago ang nationwide rollout.
Maaaring kabilang sa mga kailangang bantayan ang kahandaan ng mga guro, learning materials, curriculum delivery, assessment, at iba pang pangangailangan ng mga paaralan.
Sa ilalim ng Republic Act No. 10533 o Enhanced Basic Education Act of 2013, layunin ng basic education program na magbigay ng dekalidad at learner-centered na edukasyon na tumutugon sa pangangailangan ng mga mag-aaral.
Samantala, ang Republic Act No. 11480, na nag-amiyenda sa RA 7797 o An Act to Lengthen the School Calendar, ay nagbibigay ng legal na batayan para sa mga pagbabago sa school calendar ngunit hindi nag-aatas ng pilot testing bago ang implementasyon.
Gayunman, nananatiling usapin kung paano matutukoy at matutugunan agad ang mga posibleng problema kung wala itong paunang trial run.
Mahalaga ang tuloy-tuloy na monitoring at feedback mula sa mga paaralan upang matukoy ang mga adjustment na maaaring kailanganin habang isinasagawa ang sistema.