Guro, Umaangkop Sa Mas Mahabang Oras Ng Pagtuturo

Sinulat ni: Bacolod | Tinig Cagwait | August 15, 2026

Ginuhit ni: Mat – e

CAGWAIT, Surigao del Sur — Patuloy na umaangkop ang mga guro sa mas mahabang oras ng pagtuturo habang nananatiling pangunahing prayoridad ang mga mag-aaral, ayon sa pahayag ni Master Teacher I Knowell V. Bernales.

Ayon kay Bernales, nakasentro ang curriculum sa mga mag-aaral kaya hinihikayat ang mga guro na ilaan ang malaking bahagi ng kanilang oras at pagsisikap sa kapakanan at pagkatuto ng mga learners.

Aniya, isa sa positibong epekto ng tuloy-tuloy na pagtuturo ay ang pagbawas ng mga pagkaantala sa learning process, na nagbibigay-daan sa mga guro na mas makapagpokus sa kanilang mga mag-aaral.

Gayunman, aminado siyang may mga pagkakataong nakararanas ng pagod ang mga guro dahil sa mas mahabang oras ng pagtuturo.

Sa kabila nito, sinabi niyang patuloy na nakapag-aadjust ang mga guro sa iba’t ibang sitwasyon at learning environment habang isinasagawa ang bagong sistema.

Binigyang-diin din niya na bahagi ng pagiging guro ang patuloy na pagkatuto at pag-angkop sa mga pagbabagong kinakailangan upang matugunan ang pangangailangan ng mga learners.

Samantala, wala pa umanong maibigay na eksaktong statistics tungkol sa kasalukuyang performance ng mga mag-aaral, bagama’t sinabi ng speaker na nakikita niyang maayos ang kanilang kalagayan.

Iginiit niya na ang mga mag-aaral ang nananatiling sentro at pangunahing prayoridad ng edukasyon, habang ang mga guro ay nagsisilbing katuwang sa kanilang pagkatuto at pag-unlad.