May mga atletang sa isang sport lamang nakikilala. Ngunit may ilan namang hindi natatakot lumabas sa nakasanayan at subukan ang panibagong hamon. Isa rito si Wayne Dana Climaco ng Unidad NHS Maria Capras(goat) , isang dating volleyball player na piniling subukan ang basketball.
Sa volleyball, pamilyar na sa kanya ang court— alam niya kung kailan tatanggap ng bola, kailan aatake, at paano makikipagtulungan sa kanyang teammates, ngunit nang lumipat siya sa basketball, tila muli siyang naging baguhan.
At dito nagsisimula ang tunay na kuwento.
Hindi madaling lumipat ng sport. Magkaiba ang galaw, sistema, at paraan ng paglalaro. Kung dati ay sanay siyang tumalon para sa bola, ngayon ay kailangan niyang matutong mag-dribble, mag-shoot, mag-rebound, at makipagsabayan sa mas mabilis na laro.
Pero bakit nga ba kailangan niyang subukan ang basketball?
Siguro dahil minsan, ang isang atleta ay hindi dapat matakot maging baguhan. Hindi lahat ng bagong bagay ay kailangang agad na maging mahusay. Minsan, kailangan munang magkamali bago matutunan kung paano maging mas mahusay.
“For experience other sports, hopefully makabalik sa regional,” ani Wayne.
May mga maaaring magtanong kung bakit niya iniwan ang sport na gamay na niya. Para sa akin, hindi naman talaga niya iniwan ang volleyball. Dinala niya ang mga aral nito—teamwork, disiplina, bilis, at determinasyon—sa panibagong court.
At iyon ang magandang bahagi ng pagiging atleta.
Hindi nasusukat ang isang manlalaro sa dami ng trophies o puntos na nakukuha niya. Nasusukat din siya sa tapang niyang subukan ang bago, sa pagtanggap niya sa pagkakamali, at sa kagustuhan niyang matuto kahit hindi siya agad pinakamagaling.
Mula volleyball hanggang basketball, hindi lang sport ang kanyang binago. Binago rin niya ang kanyang pananaw sa sarili bilang atleta. Natutunan niyang hindi kailangang manatili sa isang laro para patunayan ang kanyang kakayahan.
Bagong sport. Bagong hamon. Bagong pagkakataong patunayan na kaya pa niyang lumaban.