Sistema ang Subukan, Huwag ang Kinabukasan 

Sinulat ni: Tubo - Tubo | Tinig Cagwait | August 15, 2026

Ginuhit ni: Mat – e

Ipinatupad ng Department of Education (DepEd) ang mga pagbabago sa sistema ng edukasyon upang matugunan ang mga matagal nang suliranin sa basic education. Layunin nitong mapabuti ang pagkatuto at gawing mas angkop ang sistema sa pangangailangan ng mga mag-aaral. Ngunit isang mahalagang tanong ang dapat munang sagutin ng karamihan, nasubukan na ba ito nang sapat na oberbasyon bago ito ipatupad sa mga mag-aaral? Kung wala itong dumaan sa pilot testing, maaaring makakaapekto ito sa mga mag-aaral na unang makararanas ng mga kakulangan. Sa halip na maging tagasubok ng isang pagbabagong hindi pa lubusuang nasusuri, nararapat lamang na ang sistema ang unang subukan—hindi ang kinabukasan ng mga mag-aaral

Hindi masama ang pagsubok ng bagong paraan ng pagkatuto.Pero hindi dapat gawing laboratory ang mga-aaral para sa isang sistemang hindi lubusang nasusubukan. Sa katunayan, mahalaga ang pagbabago sapagkat ang pagbabago ay dapat may sapat na paghahanda, ebidensya, at masusing pagsusuri, upang matawag ito na lubusang nakakatulong sa pagkatuto ng mga estudyante.

Ayon kay Cristina Chi sa Philstar Global, noong Marso 22, 2026 inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang three-term school calendar na ipatutupad sa mga pampublikong paraalan. Gayunman, hindi malinaw sa opisyal na mga dokumento ng DepEd na nagkaroon muna ng malawakang pilot testing ng mismong three-term calendar bago ito ipinatupad nationwide, sa halip, binigyang-diin ng DepEd na dumaan ito sa konsultasyon at patuloy na imo-monitor ang implementasyon batay sa feedback mula sa mga paaralan. Kung gayon, makatuwirang itanong kung ang layunin ng pilot testing ay makita muna ang mga problema bago ang malawakang pagpapatupad, bakit hindi muna subukan ang sistema sa piling paaralan? Hindi sapat na marinig lamang ang opinyon ng mga guro at paaralan kailangan ding makita kung paano talaga gagana ang bagong sistema sa aktuwal na silid-aralan bago ito iparanas sa lahat ng mag-aaral.

Ang pagbabago sa edukasyon ay hindi dapat minamadali. Mga mag-aaral ay hindi dapat gawing unang tagasubok ng isang sistemang hindi pa lubusang  nasusuri. Kung tunay na ang layunin ng programang ito ay mapabuti ang edukasyon, dapat tiyaking ang bawat pagbabago ay dumaan sa sapat na paghahanda. Dahil ang kinabukasan ng mga mag-aaral ay hindi dapat isugal sa isang sistemang hindi pa handa